Patay ang isang 32-anyos na senior high school teacher matapos siyang saksakin ng 19-anyos na estudyante sa bayan ng Basey, Samar noong Lunes, Oktubre 3.

Si George Lauron, isang Science teacher sa Basey National High School, ay namatay sa isang saksak sa kanyang dibdib, ayon kay Police Executive Master Sergeant Gerry Vargas.

Agad namang sumuko sa pulisya ang suspek na si Kurt Lancanan.

Batay sa imbestigasyon, nag-inuman sina Lauron, Lancanan, at iba pang kasamahan sa boarding house ng biktima dakong alas-2 ng madaling araw.

"Ngunit sa takbo ng kanilang inuman, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nagtulak sa suspek na saksakin ang biktima sa kanyang dibdib gamit ang isang kutsilyo," ani Vargas.

Kusang sumuko si Lancanan sa pulisya 30 minuto matapos ang krimen.

Nakakulong ang suspek sa himpilan ng pulisya habang hinihintay ang pagsasampa ng kasong pagpatay laban sa kanya sa tanggapan ng piskal dito sa Basey.